abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Friday, October 29, 2004
Nga pala:

Mayroon akong kakilalang makata - ka-edad lang halos, naging kaklase pa sa isa sa mga klaseng sinit-in-an ko dati - na sinasabi nilang patay na raw. Hindi ako makapaniwala.

Hindi ako makapaniwala dahil sinasabing pinatay raw siya. Sinasabing siya raw ang naging ikalawang biktima ng serial killer ng mga bading. Huwag sana kayong magalit sa gagawin ko: ahahahahahahahahahahaha. Ahahaha. Kakaiba 'yun, mehn. Tama nga kaya 'yun? May serial killer sa 'Pinas? Aba, a la Smaller and Smaller Circles, a - 'kala ko, WASP phenomenon lang 'to, white anglo-saxon protestant. Ahahaha. At mga bading pa ang tinitira, ahem, este, pinupuntirya. Ahahaha. Aha-aha.

Pero bago ako kabagin, totoo nga ba? Patay na nga ba 'yung kakilala kong bading na makata? Kung narinig n'yo na rin ang balita, tiyak akong kilala n'yo siya. Pakibalitaan naman ako.

posted by mdlc @ 5:43 PM   4 comments
Muli, Panaginip


Talaga sigurong ganito: may mga gabing binubulabog tayo ng mga kuwento - ayaw tayong patulugin, tila ba dumaragan sa dibdib natin. May mga linyang nakikiusap lamang na masabi; hindi sila nang-iiwan, nangangamba silang baka sa pagdating ng umaga'y tinabunan na sila ng sala-salansang panaginip, inanod na tungo sa lupalop ng limot.

O siguro rin, natatakot lang ako. Lalo na't ayan na'ng katakut-takot na mga imahen at tinig na nagpapaalala sa ating mag-uundas na.

***

Si Lola Ichay ang kapatid ng tatay ng tatay ko (siya rin ang lola ni Melchor na nakabaon na d'yan sa archives, noong Arpil ko pa yata isinulat 'yun.) Naaalala ko pa noong libing ni Lola Ichay, sabay-sabay kami - ako, si Erpats, si Melchor - na nanigarilyo, nakatalikod sa buong angkan habang isinisilid siya sa nitso niya, habang hinihintay ang unti-unting panunuyo ng semento sa paligid ng lapidang inukitan ng ngalan niya.

Bawal daw kasi kaming tumingin; magkaaway raw kasi ang manok at ang baboy - ang taon kung kailan ipinanganak kaming tatlo. Baka raw pigilin ng mga ispiritong gumagabay sa amin nina Erpats at Melchor ang pag-akyat ng kaluluwa ni Lola Ichay patungong langit.

Kamakailan lang, sumilip siya sa isa sa mga panaginip ko. Nakaitim siyang bestida, nakatalikod sa akin, pero kahit nakatalikod siya, alam kong siya 'yun, si Lola Ichay 'yun, nagpapakita sa isang apong hindi naman talaga naging malapit sa kanya.

Bigla siyang humarap at dahan-dahang naglakad tungo sa akin, nakatiklop ang magkabilang braso, nakaharap sa akin ang mga palad. Hindi ko alam kung isa iyong posturang nagnanais na yakapin ako, o kung umaamba siyang itulak ako. Hindi ko alam kung gusto lang niyang ipaalalang nakaistambay pa rin siya sa mga sulok ng sentido ko, o nakaistambay pa rin ako sa mga sulok ng sentido niya, kung may sentido nga siyang masasabi. Hindi ko alam kung papaano siyang naligaw sa panaginip ko. O kung naligaw nga lang ba siya.

Inaabangan ko pa ang dahilan ng pagpapakita niya sa akin.

***

Noong 1999, dalawang linggo bago mamatay si Inang (nanay ni Ermats,) pumunta ang mga magulang ko sa Nueva Ecija para dalawin siya. Si Tito Bugoy, na pinsang buo naman ni Erpats, ang nagmaneho ng sasakyan.

Doon daw, tinawag ni Inang si Tito Bugoy at hinaplos ang mukha nito nang para bang sarili niya itong anak, nang para bang pinapahiran niya ang sarili niyang luha mula sa mga pisngi ni Tito Bugoy. Ang sabi raw ni Inang, "Alex, sa iyo ko ipinagbibilin ang apo kong si Jon. Huwag mo sana siyang pababayaan."

'Yung "Jon" na tinutukoy ni Inang e ang kuya ko, na siyang nagturo sa aking magsugal at uminom at makipagsuntukan; na siyang tumadyak sa akin, sa harap ng lahat ng mga maton dito sa amin, nang minsan niya akong nahuling umiiyak sa suntukan; na siya akong pinagsisigawan at pinagmumura habang gumugulong-gulong ako sa sugatang aspalto ng kalye Makata. Siya rin 'yung kuya kong hindi natulog noong grade four ako at pinapagawa ng parol para sa Work Education, hindi siya natulog dahil siya ang nagtabas ng kawayan at at naggupit ng papel de Hapon at nagluto ng gawgaw na pandikit at naghatid sa akin kinabukasan papasok sa 'skuwela.

Siya 'yung kuya kong nagsasabi sa akin, kapag nakainom na, na "'Tol, 'pag nawala ako, ikaw na'ng bahala sa mga anak ko, a." Siya 'yung ipinagdasal ni Ermats noong Linggo, dahil malala na ang situwasyon. Sabihin na lang natin na malala na nga talaga ang situwasyon, na mayroon silang malaking, malaking, malaking problema ng asawa niya.

'Yung "Jon" na 'yun, siya 'yung unang naisip ni Tito Bugoy kamakailan lang nang magising siyang pawisan, dahil sa isang panaginip. Walang bago sa panaginip niya - eksakto, lahat, ang eksena. Ito 'yung eksena sa Nueva Ecija nang maghabilin si Inang.

'Yung "Jon" ding iyon e 'yung tumapik sa balikat ko noong Lunes ng gabi, bago siya umuwi para magpahinga kasama ang hipag ko at ang tatlo kong pamangkin. Siya 'yung nagpaalam na "matutulog na ako," nagpaalam sa aming lahat, pero lalung-lalo na kay Tito Bugoy na dumagsa pa mula sa San Pedro, na noo'y may hawak na isang boteng beer at tumatangu-tango sa ermats ko, nakangiti, habang sinasabing "okey na, okey na, okey na." Okey na.
posted by mdlc @ 4:58 PM   1 comments
Tuesday, October 26, 2004
Hindi ko naman talaga kakilala si Tito Arthur.

Hindi pa ako ipinagbubuntis ni ermats nang maisipan niyang mangibang-bansa para kumita ng pera. Nagpunta siy sa 'Tate para maging systems analyst; siyempre, hindi pa uso ang kompyuter sa Pilipinas noong mga panahong iyon. Ang alam ko, noong bandang hayskul ako e minabuti niyang maging cab driver na lang, dahil lilipat ang kompanya niya sa ibang state, at ayaw niyang iwan ang New York.

Binata pa si Tito Arthur, tumanda nang binata. Singkuwenta y siete anyos na siya ngayon, at ewan ko na lang kung may papatol pa sa kanya. Hindi dahil sa pangit siya, oy - mahiya kayo, wala yata sa lahi namin 'yun.

Binata pa si Tito Arthur dahil trip niya ang buhay binata. Dahil sa loob ng mahigit dalawampung taon na niya roon ay wala pa siyang naipupundar. Dahil siya 'yung kung tawagin dito sa atin e iresponsable. Dahil adik sa sugal si Tito Arthur, dahil wala siyang konsepto ng "para mayroon pang matira bukas," dahil mababaw lang ang tuwa niya.

Noong biyernes, tumawag si Tito Arthur, long distance. Madalas ganoon 'yun; pag walang makausap at nababato siya doon, tumatawag sa amin. Kapag ako ang nakakasagot sa telepono, ipinapasa ko kaagad kay erpats, na utol niya. Ano nga ba naman ang puwede kong ikuwento kay Tito Arthur, e lumaki akong ang alam ko lang tungkol sa kanya e sugarol siya at mataba siya? Pero noong biyernes, nang tumawag siya, ako lang ang tao sa bahay. Kaya sa unang pagkakataon, nagkakuwentuhan kami.

Si Kerry daw ang iboboto niya. Katatapos lang daw niyang bumiyahe. Alas dos daw ng madaling-araw doon. Kumakain daw siya noon sa isang Chinese restaurant dahil nakakatamad magluto at maghain at kumain at maghugas ng pinggan nang mag-isa. Malungkot din, bukod sa nakakatamad. At saka niya ikinuwento sa akin 'yung tungkol sa lumang ponograpo.

Hindi ko alam kung totoo ang kuwentong ito. Tunog istir, sa totoo lang. Dagdag mo pa na mahusay na kuwentista ang Tito Arthur, gawa nga ng pagka-cab driver niya. Pero masarap ang biyahe. Kaya mahirap nang isaisip kung totoo nga ang kuwento o hindi. Tutal, tapos na ang lahat-- ano ba ang masama kung makinig?

***

Noong giyera daw kasi, may isang kapitan ng mga Hapon ang lumapit sa lola ko. Dahil nga kagipitan na noon, ipinagpalit ng Hapon, para sa dalawang kabang bigas, ang isang ponograpo. Ang sabi ni Tito Arthur, nakagisnan na niyang nakabalandra sa isang sulok ng sala ng lumang bahay ang ponograpong iyon, parang malignong pinapanood ang lahat ng daraan sa harap niya, kung kukuha ka lang tubig sa kusina, kung papasok ka sa isa sa mga kuwarto para umidlip, kung papanaog ka sa hagdan, papalabas ng kalye. Hindi naman daw gumagana ang ponograpo, kaya nagtataka si Tito Arthur kung bakit hinahayaan pa iyong naka-display. Ang sagot lang sa kanya nina Lolo Lai Ah, suwerte raw 'yun, para daw walang dumating na malas sa pamilya.

Isang araw, dahil kausuhan ng rakenrol sa 'Pinas, minabuti ni Tito Arthur na kalikutin ang ponograpo. Pero ang bigat nito, mabigat pa sigurado sa dalawang kabang bigas na ipinalit dito, kaya nga hindi maibaba ni Tito Arthur ang ponograpo para maipagawa. Sinubok buksan ni Tito Arthur ang ponograpo, at nang magtagumpay sila ng scredriver niya, putangina-- punong-puno daw ng alahas ang loob ng ponograpo.

Ang kuwento, kinumpiska daw 'yun nu'ng kapitang Hapon sa isang alta sociedad na pamilya sa Intramuros. Doon daw sa mga di-halatang taguan na tulad noon - sa loob ng isang binti ng antigong kama, sa likod ng salamin, sa ponograpo nga - itinatago ng mga mayayamang pamilya ang mahahalaga nilang ari-arian.

E di akala nga ni uncle, jackpot na siya. Pero dahil dumating kaagad sina Lolo, kaya't mabilisang iniayos ni Tito Arthur ang lahat ng ebidensya ng kayamanan.

Kinabukasan, nagulat na lang si Tito Arthur nang makita niyang wala na ang ponograpo sa dati nitong puwesto. Kinuha daw ng pamangkin ni Lola Siyanang, 'yung nag-vocational course ng electronics. Kakatikutin daw. Para naman daw may magamit sila sa bahay na patugtugan. Ang bigat nga raw, apat na tao ang bumuhat. Sa madaling salita, "'Tang'na, yari."

Hindi na nasauli ang ponograpo. Malamang, kung kinatikut nga 'yun ng pamangkin ni Lola, natuklas na rin ang kayamanan sa loob nito. Kung matinong kamag-anak ang nakahanap noon, kahit papaano siguro e papartihan sina Tito Arthur. Pero wala naman yatang ganoon, hindi uso sa amin 'yun. Sa madaling salita ulit, kupal yata talaga ang mga kamag-anak namin.

Kaya nga heto pa rin kami ngayon, e, apelyido lang ang dala. Sabi ko nga, huwag sanang mapagkakamalang mayaman ang mga pamangkin ko, huwag sanang makikidnap, dahil sigurado e hindi sila matutubos. Huwag sana akong mahoholdap dahil wala akong maibibigay. Huwag sanang magpatuloy nang ganito ang buhay habambuhay.

Ang sabi ni Tito Arthur, matapos ikuwento itong alamat ng ponograpo, sa telepono habang nasa kabilang pisngi ng mundo siya, "Alam mo, suwerte tayo, e, kung tutuosin. Naiisahan lang palagi. Ang masakit noon, madalas, kamag-anak din natin ang gumugudtaym sa atin."

Ang sabi ko, "The story of our lives."

posted by mdlc @ 10:56 PM   0 comments
Monday, October 25, 2004
Naalala ko pa noong bata ako; palagi kong inaabangan 'yung cartoons na Visionaries: Knights of the Magical Light. Ang sabi sa isang website:

"Far away in a distant galaxy, the people of the planet Prysmos lived in an age of great technology. They had taken control of all of the sources of energy, and enjoyed a life of comfort and ease for 7,000 years... but this was not to last, for the realignment of the three blazing suns of Prysmos signalled the end of the age of science and technology. When all of the electrical energy have been depleted from the world, an age of magic began."

Naalala ko 'to kasi nabasa ko 'yung tula ni Kapi. Oo nga naman, makabagong mundo na tayo ngayon. Namumuhay tayo sa isang "age of great technology," at mayroon tayong "life of comfort and ease."

Pero paano nga kung biglang mawala na lang ang lahat? Papaano kung mangyari sa atin ang nangyari sa Prysmos. Mauuso siguro ulit ang kalesa at kabayo. Ako, gusto kong maging si Feryl. Pero hindi naman lahat puwedeng maging bida. Sino kaya ang magiging Darkling Lords? Sino ang magiging Spectral Knights? Ibig bang sabihin nito e hindi na tayo makakakain ulit ng ice cream, dahil wala nang mga refrigerator?

Buti na lang sa cartoons lang nangyayari ang mga ganito.



posted by mdlc @ 7:41 PM   0 comments
Thursday, October 21, 2004
Tumatakbo ako, pero gaya nang palagi, sa panaginip, parang gusto ko nang hiyawan ang sarili ko: Wala na bang ibibilis ang mga hakbang na 'to? Nariyan na sila, isang batalyon ng mga malalaking taong nakasuot nu'ng mga isinusuot ng sinaunang Hapones kapag giyera. Ngayong inaalala ko na, ang naiisip ko e 'yung mga malalaking mukhang gagong robot na may boxing gloves sa Takeshi's Castle. Pero noon, ang nakita ko, ang kinatakutan ko, kamukha nu'ng napaniginipan din ni Bruce Lee sa pelikulang biography niya.

Madilim. May kidlat na pumupunit sa kalawakan, sa di-kalayuan. Nagkalat ang mga bangkay sa maputik na lupa. Maraming bangkay. Mas maraming mga malalaking tao. Lahat, hinahabol ako.

Hindi ko alam kung bakit, pero dito, kaiba sa lahat ng iba ko pang panaginip, tumigil ako sa pagtakbo. Hindi ako natatakot.

Parang madyik, may lumitaw na baston sa harap ko. Pinulot ko. Isa-isa ko silang hinataw. Banda y banda, doblete, pilantik. Tinablan sila. Hindi ako natatakot.

Pero may isang humarap sa akin. Hindi tinablan. Hinablot ako nang para bang pupunitin ang katawan ko.

Hindi na baston ang hawak ko. Gaya nga ng palagi, sa panaginip, ang abnormal ay para bang normal, parang walang di-kapani-paniwalang nangyari: naging blade ang hawak ko. Blade na maliit, 'yung ginagamit sa luma at mumurahing pang-ahit.

Pero hindi ako natatakot. Lalaban ako. Hindi ako magmamakaawa. Pilit kong hinihiwa ang braso niya, para bitawan ako, pero hindi siya tinatablan, hindi siya nagpapakita ng sakit. Hawak niya ang magkabila kong braso. Parang hinahati niya ako sa dalawa.

Nagising akong pawisan, hindi pa rin sigurado kung gising na nga ba ako o namatay na, at langit - o impyerno - ang makipot kong higaan. Takot na takot.

***
Pumasok ako sa kuwarto. Nakatalikod siya sa akin, pero alam kong siya iyon, siguradong-sigurado ako, hindi ako puwedeng magkamali.

Nagising ako bago ko pa matawag ang ngalan niya.

Binabalikan na ako ng lahat ng nililimot ko.

***

Nasa ikalawang palapag ako ng bahay namin sa Blumentritt. Nakatanaw ako sa baba, pero parang hindi dalawang palapag lang ang tinatanaw ko pababa, parang dalawampu, parang dalawandaan. At imbis na bahay nina Robin ang nasa harap ng bahay namin, may isang basketball court, at doon ginaganap ang liga. Lumalaro ang 3bigJ, ang grupo namin na inisponsoran ng auto supply ni Kuya Oyet.

Kulang-kulang ang grupo, pito lang sila doon, foul trouble pa ang tatlo. Sinisigawan ako nina Bonbon, nina Karl. Bumaba ka na rito! Kulang-kulang na tayo!

Hindi puwede. Ang layo masyado. Ayaw akong payagan.

Sige na! Matatalo na tayo!

Mabilis akong tumakbo pababa. Parang gumugulong, nakakalula, nakakasuka. Nakakatakot. Pero sa wakas, nakarating din ako sa baba.

Naglakad ako sa basketball court, pero wala nang basketball court. O may basketball court pa rin, pero hindi na ito basketball court. Nakalutang na ito sa isang maruming lawa. Pero normal lang iyon. Lahat, normal lamang sa panaginip.

Naglakad ako papunta sa bench namin. Nagpalakpakan sila, ang nanay ni Bonbon, si Benedick, si Frederick, si Manok. Sa wakas, may pag-asa nang manalo.

Hindi semento ang nilalakaran ko. Sako, sakong pinagpatung-patong. Pagkatapos, kawayan. Parang lantsa na lumulutang sa maruming tubig. Pasok na! Huwag ka nang magsapatos! Matatalo na tayo!

Nadulas ako sa mga siwang ng kawayan. Halos hindi na ako nakakapit. Nakalunok ako ng tubig ng lawa. Maitim na maitim na tubig.

Pinagpasa-pasahan nila ang responsobilidad ng pagliligtas sa akin. Hindi siya marunong lumangoy! Iligtas n'yo siya!

Pinanood lang nila ako, silang lahat, habang dahan-dahan akong lumulubog.

Nagising akong humahagok, dumadahak, malungkot na malungkot, galit na galit, nag-iisip ng lahat ng paraan para makapaghiganti.

***

Pakiabot ang tuwalya, 'ka ko.

Ku'nin mong mag-isa mo, ang sabi ng ermats ko.

Para tuwalya lang, e, 'ka ko.

Tapos, naglitanya siya. Mga masasakit na salita, mga salitang mas lalong masakit dahil alam kong totoo. At dapat hindi niya alam iyon, hindi niya alam dahil miski ako, hindi ko alam iyon, mga bagay iyon na miski ako hindi pa sigurado.

Pero panaginip nga ito, kaya alam niya iyon, at walang kataka-taka kung alam niya, o alam ng buong mundo sa panaginip na ginagalawan ko.

Hindi ko na kinuha ang tuwalya. Nagising na lamang ako, siguro, dahil sa sobrang lungkot; umiiyak ako at sinasabing, Ang sama-sama kong tao, ang sama-sama, sa pagitan ng mga hikbi, paulit-ulit, paulit-ulit hanggang sa makatulog akong muli.

***

'Eto, totoo na 'to, hindi na 'to panaginip.

Ako: Jay, basketbol daw mamaya. Laro tayo?

Jay: Namputa, oo, ba.

Ako: Parang tinatamad ako, e.

Jay: Namputa, pare, magpapawis naman tayo. Ikaw, pinapawisan ka lang kapag hindi nakatapat sa 'yo 'yung elektrik pan, e!

Ako: (bahagyang nagi-guilty, dahil hindi ako nakatulong maglaba, dahil lasing ako kinagabihan.) Sige na nga. Akyat muna 'ko, matutulog lang, para may lakas mam'ya, pag naglalaro na.

Jay: Namputa, matutulog ka na naman! Kagigising mo lang, di ba? Magsaing ka na lang kaya?

Sinabi niya ito sa tonong parang "pansit na naman," pansit na dahilan ng pagkasingkit ng lahat ng singkit na tao sa buong mundo. Nakaksingkit kasi ang pananawa. Kapag nagkita tayo, ikukuwento ko sa inyo kung bakit singkit ang mga Intsik.

At ako, bumaba muli ng hagdang naakyat ko na ang kalahati, kinuha ang kaldero, sumalok ng tatlong gatang ng bigas, at hinugasan ito nang para bang nasisilip ko sa mga butil ang lahat ng panaginip na nalimot ko na at lilimutin pa.

***

Dahil pala sa lahat ng kagaguhang lumilitaw sa tagboard e minabuti ko nang alisin ito. Kung may kailangang banggitin, sa comments na lang. Para kahit papaano e hindi masakit sa mata.


posted by mdlc @ 3:19 AM   2 comments
Thursday, October 14, 2004
Dahil lahat naman tayo ay palaging naghahanap lang ng ibig sabihin, ng ibig-sabihin; dahil ang wikang nawika ay umaabot sa winikaan; dahil gusto kong mag-update, at ito lang ang nakayanan, sa ngayon; dahil hindi naman bawal-- sisipiin ko si Sartre:

"...colonial aggression turns inward in a current of terror among the natives. By this I do not only mean the fear that they experience when faced with our inexhaustible means of repression but also that which their own fury produces in them. They are cornered between our guns pointed at them and those terrifying compulsions, those desires for murder which spring from the depth of their spirits and which they do not always recognize; for at first it is not their violence, it is ours, which turns back on itself and rends them; and the first action of these oppressed creatures is to bury deep down that hidden anger which their and our moralities condemn and which is only the last refuge of their humanity...

"If this suppressed fury fails to find an outlet, it turns in a vacuum and devastates the oppressed creatures themselves . In order to free themselves they even massacre each other."

Mula sa preface ng aklat na "The Wretched of the Earth" ni Frantz Fanon, na nabili ko ng 25 piso sa Daily Supermart, dito sa may P. Tuazon. Oo, 25 piso, mga tsong. Mamatay kayo sa inggit, mwahahahahaha.
posted by mdlc @ 9:36 PM   2 comments
Friday, October 08, 2004
HInding, hinding, hinding, hindi na ako bibili uli niyang buwakananginang iced coffee ng Select na iyan. 'Nak ng kabayong pangalesa, kaya pala nagmahal ang putanginang kape na 'yun. Tumapang lalo. Sa iglap na matapos ang araw ko mamaya - walang panahon para magnakaw ng idlip - gising na ako ng 36 na oras, at nagkaroon na ako ng apat na oras ng tulog sa loob ng 60. Haaay. Huli kong ginawa 'to e sumasalok pa ako ng tubig sa ilog para gamitin sa tesis ko.

Huwag kang matakot, ale, hindi ako drug user, inaaantok lang ako, inaantok lang ako. Okey.

Una: dispensa sa naperhuwisyo ng panggigigil ko sa huling post. Bati na kami, nag-eemail na nga, ang swit na nga namin. Dispensa, di na mauulit; iiwas na talaga ako sa mata ng baka.

Okey. Ayaw ko na ng mga kagaguhang construct na 'yan. Balik sa dating kababawan.

***

Gusto ko sanang gumawa ng magandang, magandang kuwento tungkol sa nangyari sa iyo, pero hindi ko alam kung papaanong pagagandahin iyon, kung papaanong papalamutian, kung papaanong sisingitan ng kung anu-ano para magkaroon ng kaunting pampalubag, kahit kaunti lang. Pero tapos na, at walang ibang paraan para ikuwento ang nangyari kundi ganito, hubad, marungis, totoo:

Pitong taon, pitong taon ang inabot ng relasyon n'yo. Nakaplano na ang kasal. Tapos, ilang buwan na ang nakakaraan, pumasok siya sa call center.

At ayun nga. Nalaman mong may karelasyon. Nakipag-break sa iyo. Nalaman mong nakabuntis ng babae. E papaano nga ba mabubuntis kung hindi niya kinantot, kung hindi sila nagkakantutan sa likod mo. E di okey. Tapos. Nagkantutan ang nagkantutan. Nabuntis. Natural break na kayo.

Pero ang masaya du'n, ipinaabort ang bata. Pumatay sila, mga kababayan, mamamatay tao sila.

Ngayon, anak ng kambing na kinaldereta nang buhay, kung pa'no mo natagpuan ang sarili mong naninigarilyo sa clinic kasama 'yung dalawang nagkantutan, hindi ko alam, hindi mo naikuwento. Kung paano ka nakapagpigil na idildil sa mukha nu'ng babae 'yung yosi habang hinihiritan ka sa call center accent na mali-mali naman ang grammar, habang ini-"it's all my fault, you had nothing to do with this," (aba'y natural, sila'ng nagkantutan, e!) hindi ko na rin alam, hindi mo na ikukuwento. At kung paanong, matapos ang ilang gabi, e nakuha mo pang ipagtanggol 'yung ex-boypren mo, nakuha mo pang sabihing "pinikot lang 'yun," nakuha mo pang tumawa nang tumawa habang nagbo-boy bastos jokes ako, hindi ko na alam, walang kayang magkuwento nu'n, miski ikaw.

Pero ako kaya kong magkuwento. Kaya kong sabihing "hindi ko akalain," kaya kong sabihing "puTANGina," kaya kong magpatawa dahil alam kong sawa ka na nga siguro sa
pag-iyak.

Kaya kong sabihing "salot ang call center na 'yan," hindi dahil sa walang mabuting naidudulot ito, kundi dahil sa gahibla nitong kuneksyon sa malamig mong kama at umaga, sa pait ng ngiti mo sa tuwing titingin ka sa malayo matapos tumawa. Kaya kong sabihing "putang-ina niya, putang-ina nilang dalawa," gayong kaibigan ko rin siya, at iginagalang din; gayong sa totoo lang e hindi ko talaga maisip kung paano niyang nagawa iyon, siya pa.

Kaya kong makiisa sa iyo, sa mga latak ng masasayang alaala mo, at pag sinabi ng girlfriend kong "sana maputol ang kanang kamay niya at dalawang taon pa siyang mabuhay bago siya dahan-dahang tubuan ng malalaking varicose vein sa mukha, bago siya dahan-dahang mamatay. Sana malay na malay pa rin siya sa kahayupang ginawa niya, hanggang sa huling hininga," kaya ko rin namang sumagot ng, "kung magsalita ka, parang kilala mo 'yung tao, parang wala nang ginawang mabuti sa buong buhay niya 'yung tao." At pag sinabi ng girlfriend kong, "talaga, masama siya, masama siya, masama lang siya," kaya kong sumandal sa upuan at ngumiting-aso, at sabihing, "ayaaaan, ganyan uunlad ang buong mundo, sa mga ganyang pagwiwika, mabuhay ka." Kaya naming pag-awayan iyon.

Kaya ko ring intindihin ang kaba ng girlfriend ko, na kung sa inyo pala e puwedeng mangyari iyon, sa amin pa kaya?

Kaya kong mag-isip sandali kung bakit ko ito isinusulat, kung anong saysay ang mayroon ito sa mambabasa. Kaya kong isiping, "sandali, mababasa mo ba ito," baka nagpapasikat lang ako ng intriga. Pero 'eto nga't kaya ko ring ituloy pa rin nang ituloy ang pagsusulat at hayaang tubuan ng sarili niyang pakpak ang akda.

Kaya ko ring manahimik, at makuntento na lang sa katotohanang hinding, hinding, hindi ko maiintindihan, anumang pagbigkas o pag-akbay o pakikinig, hindi naming lahat maiintindihan, ang lalim ng lungkot mo ngayon.

posted by mdlc @ 9:27 AM   1 comments
Wednesday, October 06, 2004
Anak namputa. Sabi ko na nga ba't may makaka-angasan ako dahil sa huli kong post, e. Ewan. Ahahaha, sabi ni Tito Bugoy, na isa sa mga nagpaaral sa akin nu'ng college: "Ba't hindi ka mag-abugado?"

Ang sabi ko, "Wala akong hilig makipag-argumento. Suntukan na lang."

Pero seryoso, wala akong hilig makipag-angasan sa mga tao, makipagpasiklaban ng mga nalalaman sa teorya, ipagpangalandakan kung saang kampo ng pag-iisip ako nabibilang. Anak namputa, sabi ko nga, kung kailangang tawagin 'tong panatisismo, o kristiyanismo, o bayani-agbayanismo, o satanismo, e ano? Pangalan lang ang lahat ng iyan. Tapos may aangil at ayaw niyang pangalanan ang sanaysay niyang "propaganda," e putang-ina, hindi naman sanaysay ang tinutukoy ko, kundi TULA, TULA, TULA. Alam ko naman ang ikinaiba ng sanaysay sa tula, 'no, buwakanangina.

Kung sa bagay, malay ko ba kung itnituring ng mga taong "tula," ang mga blog entry nila. Hay susmaryosep. Labels na naman, pangalan na naman.

Ang hindi ko maintindihan, e kung bakit hindi na lang natin tanggapin na may pagkakaiba ang mga construct na ginagalawan natin, na ang depinisyon natin ng isang bagay e hindi palaging magkakatulad? Taragis, ituturing ko ba ang sarili ko nang "may malasakit sa kapwa kong nagdurusa," kung ayan nga't isinasalalay nila ang laman ng tiyan nila sa mga piraso ng papel na ipinamimigay ng gobyerno, pero ako, ang "may malasakit na ako," e walang ginawa kundi pangalanan ang buong sansinaklaw?

Hindi, hindi, okey lang 'yun, e; ang nakakaalibadbad, nakakapanggalaiti, e 'yun bang pag may isang tao na hindi mo nakatugma ng "depinisyon," e 'yun bang susulat nang para bang pinagkakatuwaan ka, na isa ka lang palang "tanga" sa pananaw niya. Anak ng puta. Anak ng puta naman talaga, oo.

Ang mas malala pa nga doon, e wala namang lugar sa diskurso ang gayong pagpapasikat. Anak ng puta ulit.

Siguro, ang akala ng mga humihirit ng ganu'n, e anak namputa, nagpapanggap lang ako; wala akong alam; hindi ako nagbabasa; isa lang akong ligaw na estudyanteng pilit umeeksena sa mga ganitong usapan para makilala, para mabasa ng mga magiging judge ng contest, para sumikat at manalo ng mga contest. Mahiya naman tayo sa mga balat natin kung ganu'n, brad.

O, ayan. Propaganda nga ba? Tula? Magsulat ka na lang, tumula ka na lang? Sa kabila ng lahat ng intelektuwalismo't kaburgisan ng pag-aangil na 'to, anak namputa, may nagugutom pa rin. Oo, sige na, tama ka, astig na ang ipinaglalaban mo. Ngayon, nagkaangasan tayo, nagkabanggaan, ano ang ginagawa mo? Nakapagpakain ka ba niyan? Gumawa ka lang ng kaaway.

Sabi ni Padre Ferriols, "Ang pilosopiya ay ginagawa." Pati ideyolohiya, mehn.

P're, hindi uubra sa akin ang mga patama at parinig sa blog entry. Hindi ako 'yung "yor tipikal arenean," mehn. Kung gusto mo, mag-usap na lang tayo, sa Xavierville Avenue, may alam akong lugar, 16 pesos lang ang erbi (pale pilsen), 18 ang sml, 25 ang red horse at strong ice. Hindi na natin ikagi-guilty iyon, mura lang naman, e. Bawat lunes, naroon ako. Doon tayo magkuwentuhan. I-email mo ako kung gusto mo ng diskurso, at hindi 'yung ganito.

***

Anak namputa. Dapat ang susunod na blog entry ko e tungkol sa isang kaibigan na may mabangis na mabangis na problema. Bukas na lang 'yun, a? Na-high blood ako, e. Sumasakit ang batok ko. Dapat yata, bawasan na ang pagkain ng matangbaka sa tuwing nagpapahimasmas ng pagkalasing. Siyet.


posted by mdlc @ 3:57 PM   2 comments
Friday, October 01, 2004
Nakakaalibadbad sa tuwing nakakabasa ako ng kagaguhan tungkol sa "rebolusyon" at sa "tungkulin ng sining sa lipunan." Kaya nga napangiti ako't napahinga nang malalim nu'ng mabasa ko 'tong mga 'to:

Sabi ni Maita:

"A very wise person said that with poetry, we must always leave space for the reader to decide. And maybe that's why I have problems with overtly revolutionary and political poetry -- they're just as limiting as doctrinaire, 'totalizing' theory. Should we learn how to unlearn theory? I'm not sure, but I do know how fixed and closed social scientific explanations can become. It's almost as if there are no alternative explanations, and even worse, it can lead to the conclusion that there is no space left to even think of alternative worlds."

Sabi naman sa Angas ng Kurimaw:

"One's class in society is not determined simply by one's position in the economic mode of production. In the end, one's class in society is determined by one's consciousness. Kahit sa hanay ng inaaping manggagawa, may mga lantay na maka-kapitalista."

Ang hindi nabanggit ni Angas ng Kurimaw - na alam ko namang kahit di niya nabanggit ay siya rin niyang pinaniniwalaan - e madalas, hindi naman malay ang mga nasa "hanay ng inaaping manggagawa" du'n sa pang-aaping ginagawa sa kanila nu'ng mga kapitalista. Oo, oo nga't dumadaloy rin naman sa kanila ang kapangyarihan ng namamayaning sistema, at totoo, may kakayahan silang baguhin 'yun; pero bakit mo nga ba naman gugustuhing baguhin ang isang bagay na, sa ganang abot-tanaw mo, e hindi naman kailangan ng pagbabago? Gayon kung gumana ang hegemoniya, di ba? Gayon din ang pinagkukunang-katuwiran ng pang-aapi nito.

Kaya nga sa akin, sa akin lang, ha, hindi makatuwiran - sa totoo lang, hindi lohikal - na manawagan ng rebolusyon ang tula. Hindi 'yun ang trabaho niya sa lipunan, kung mayroon nga siyang saysay para rito. Sa akin, sa akin lang, ha, nagkakaroon ng kapangyirahan ang tula dahil gumagana ito sa lupalop ng kamalayan. Kaya ang lugar nito sa lipunan, kung mayroon man, e ang magbigay-malay. Ang mga tulang ipinagpapalagay kaagad na malay na ang "hanay ng inaaping manggagawa" sa pang-aaping nangyayari - at bagkus, nananawagan na kaagad ng rebolusyon - ay ipinagkakait sa tula ang pagka-tula nito. Hindi 'yun tula, propaganda 'yun. Dahil hindi tungkulin ng panitikan ang magsubo ng ideyolohiya sa tao.

E kung magampanan ng tula ang tungkulin niya sa lipunan, kung mayroon man, at makapagbigay-malay nga siya? Ulit, hindi naman papel at tinta ang nagrerebolusyon: tao ang magrerebolusyon. Kung gusto niya, nila, bakit hindi. Pero sa huli't huli, sasang-ayon lang ang masa sa rebolusyon kung malay siyang kailangan na pala nito, kung sa tingin niya, naroroon na lamang ang pag-asa.

Tama nga; hindi naman yata kayang magsalita ng mga latak ng lipunan, ng mga subaltern. Pero kaya natin silang kausapin. At ang tungkulin ng sining sa lipunan, kung mayroon man, ay ang maging wika habang nagpapaka-organiko tayo't kinakausap ang taumbayan.

***

Abo sa Dila


I.

Walang bagong salitang kayang maglahad
sa hikbi ng bayan ko.
Wala ring luma.
Gaya ng ganito ngang nagsasalita ako
sa pamamagitan ng isang tula;
maghahanap kayo ng iba pang ibig sabihin
bukod sa sinasabi ko na.
Pipira-pirasuhin ninyo ang bawat taludtod,
maghahanap kayo ng parikala,
titingnan ang mga imaheng gagamitin ko.
Ngunit kung sabihin kong dugo
o sunog na balat o durog na buto,
kung sabihin kong sa bayan ko,
nag-uulam ng tubig at asin ang mga tao,
umiinom ng burak, bumibili ng mamisong pag-asa
sa tuwing daraan ang kubrador ng jueteng,
hindi naman ninyo makikita ang mga iyon.
Tinta lamang sa papel ang mga ito,
salita lamang. Sakaling salatin ninyo
ang bawat salitang naisulat ko,
hindi kayo matitinik sa mga titik,
hindi kayo masasaktan.
Ni hindi ninyo malalasahan
ang abong nanikit sa dila ko
habang winiwika ang bawat linyang
ngayo'y binabasa ninyo.

Hindi ito tula. Huwag kayong magbasa.
Bitawan ninyo itong papel na ito.
Maglakad kayo sa lansangan.
Huwag kayong maingay.
Pakinggan ninyo: tinatapakan ninyo ang mga bubog
ng basag-basag na alaala ng bayan ko.
Huwag kayong maingay,
pakinggan ninyo: may kargang tinig ang hangin.
Panalangin. Hikbi.
Mayroong tula.


II.

Walang ibig sabihin ang salitang Pag-asa.
Paulit-ulit ko man itong bigkasin,
walang lilitaw na pag-asa.
Tatlong pantig, at pantig lamang.
Hindi magiging tatlong gatang ng bigas,
tatlong tableta o bote ng gamot,
tatlong kuwadrado-metrong kahoy at yero.
Hindi magiging tatlong yarda ng telang
maaaring gawing kumot, mantel
ng mesang wala namang nakahain,
piring sa mata ng isandaang milyong Pilipinong
umaasa pa rin na may ibig sabihin
ang salitang Pag-asa.
Isulat ko man ang tatlong pantig na iyon
sa isandaang milyong tula,
wala itong magagawa.

Kulang ang tatlong pantig
para markahan ang bawat taon ng pagdurusa,
para ipangalan sa bawat batang naulila,
para isabit sa puntod ng bawat Pilipinong
pinatay at pinapatay at papatayin pa ng salita.

Pag-asa. Tatlong pantig. Mas mainam kung sana'y
maging tatlong balang maaaring ibaon sa sentido:
isa sa nagwiwika,
isa sa pinagwiwikaan.
At ang ikatlong bala
ay ibabaon ko na lamang sa lupa,
sa pag-asang maaari itong maging
gatang ng bigas, tableta o bote ng gamot,
kahoy at yerong gagawing tahanan,
kukupkop sa mga taong
sawang-sawa nang marinig
ang salitang Pag-asa.


III.

"Hindi dugo ang tutubos
sa kahirapan kundi pag-ibig na puspos."
- Cirilo F. Bautista,
mula sa Panangis ng Huling Tao sa Daigdig


Ngunit ano ang pag-ibig
kundi tinubog sa dugo?
Dakilang makata, dito ko sa loob ng simbahan
binabasa ang iyong tula,
at ang mga mata ni Kristo'y tila ipinapako
ako sa pagkakaupo.
Mamaya, paglabas ko, ay may batang mamamalimos.
Nasaan ang malasakit
kung ang pisong iaabot ko ay hindi susugat
sa aking nangungulilang palad?

Heto nga't naghihingalo ang lungsod at ang Diyos
ay nasa langit lamang. Iniisip Niya sigurong tapos na
ang lahat ng Kanyang dapat pagdusahan.
Hindi ko kayang paniwalaang kumikirot din
ang Kanyang dambuhalang dibdib
sa tuwing may batang giniginaw sa lansangan,
sa bawat dalanging binibitbit ng alangaang,
sa bawat tulang humahamon sa Kanyang kadakilaan.

Sinasabi ko ang lahat ng ito
nang walang takot o pangamba.
Sakali mang magkatotoo ang pamahiin
at tamaan ako ng kidlat, iisipin ko na lamang
na iyon ang kabayaran ng aking pag-ibig:
tunaw na balat, nagsa-abong dugo, laman
na hindi naman maiuulam.
Kailangang may magsabi sa Kanyang
kailangan na Niya muling bumaba,
ngunit sa palagay ko'y hindi siya nagbabasa ng tula.
Wala yata akong magagawa

kundi hiwain ang aking palad
at saka hahaplusin nang para bang namamaalam
itong tulang binabasa ko.

posted by mdlc @ 2:20 PM   5 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto