Showing posts with label Leadership Experience. Show all posts
Showing posts with label Leadership Experience. Show all posts

Friday, January 27, 2017

Hitsurang Bandido: Ang kagawiang dapat walisin sa Sandatahang Lakas

 Ang hitsura ng mga rebeldeng nakakaaway ng mga sundalong Pilipino noong unang panahon. (Larawan mula sa open sources)


Simula nang magkaroon ng mga propesyonal na Army sa Europa noong 1800s, dahan-dahan na nabuo ang mga regulasyon na syang nagpapairal sa kakaibang disiplina ng organisasyong itinatatag para ipagtanggol ang mga umusbong na mga bansa. 

Ang pagsusunod sa mga regulasyon ng militar kagaya ng tamang kasuutan, gupit at kagawian ay nagpapakita sa kakaibang disiplina na inaasahan sa isang propesyonal na organisasyong militar. 

Kahit ang mga sinaunang mandirigma sa Battle of Thermopylae ay pare-parehas ang kasuutan at sumusunod sa mahigpit na regulasyon ng kanilang mga pinuno. (Larawan mula sa open sources)

Ang hitsura at kasuutan ng mga sundalo ng France na pinamunuan ni Napoleon Bonaparte sa pakikidigma ay sumusunod din sa mga regulasyon ng kasuutan. (Larawan mula sa open sources)

Ang pagpapasunod sa parehas na standard ng gupit at uniporme ay mahalaga para sa isang yunit ng militar nang sa gayon ay mapanatili ang kakaibang unit pride, disciplinary standard, at comradeship ng mga tropa. 

Simula nang maitatag ang Philippine Army noong 1897, dahan-dahan ding naisulat ang mga regulasyon kagaya ng tamang gupit at uniporme. Si Heneral Antonio Luna ay kilala sa isang mabagsik na pinuno sa larangan ng pagpapairal ng disiplina, kasama na ang pagsusuot ng tamang uniporme at gupit militar. 

Ito ang hitsura ng mga mandirigmang kagaya ni Macario Sakay na lumaban sa mga Amerikano noong Filipino-American war. (Larawan mula sa open sources)

Ang mga sundalong Amerikano ang nagpataas sa antas ng disiplina militar nang binuo ang USAFFE bago ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naipagpatuloy na muli ang pagsasanay ng mga sundalo  sa tamang disiplina nang matapos ang digmaan ngunit agad-agad namang nasabak ang mga sundalo sa pakikidigma sa mga gerilyang Huk noong 1950s. 

Hitsurang bandido

Noong 1950s, ang mga sundalong Scout Rangers ay pinapayagang magpahaba ng buhok at mag-hitsurang bandido dahil sa kanila iniaatas ang mga sensitibong misyon kagaya ng paghahagilap sa mga kuta ng mga bandido at ang pagpatay sa mga pinuno nito. Katunayan, nagawa ng mga Musang na sina Msgt Francisco Camacho Cpl Weenee Martillana ang pagpatay sa kilabot na lider ng bandidong Huk na si Eddie Villapando, dahil nagpahaba rin sila ng buhok at nagpanggap na mga sibilyan habang nasa misyon. 

Nakagawian na rin ng mga Scout Rangers ang magpahaba ng buhok noong 1970s at 1980s dahil sa mga 'espesyal' na mga misyon na kung saan ay nakikihalubilo sila sa mga ordinaryong tao sa kanayunan para mahagilap ang mga bandidong humahalo sa komunidad. 

Disiplinado at maayos ang hitsura ng mga sundalong Pilipino na nakikidigma noong WWII kasama ang US Army na nasa larawan. (Larawan mula sa open sources)

Pagwawasto sa kagawian

Para sa akin, dapat pairaling muli ang disiplina ng mga sundalo kagaya ng tamang pagsuot ng uniporme at pagsunod sa tamang hitsura ng isang propesyonal na sundalo. Una, nawawala ang silbi ng pagpapahaba ng buhok habang nasa misyon dahil sa mga karanasan ng mga kaaway sa taktika ng pakikidigma ng mga sundalo sa mga nakaraang panahon. Halimbawa, ang misyon ng mga Musang ay 'strike mission' (direct action mission) lamang at hindi kaparehas sa Special Forces na tumitira sa kanayunan at nag-oorganisa ng CHDF o CAFGU para idepensa ang mga tao mula sa bandido. Common sense na lang na makikiayon ang Special Forces sa kagawian ng tao nang mapadali ang pagtanggap ng mga ito sa kanila. Kagawian sa kultura ng mga Pilipinong Muslim ay magpatubo ng bigote kaya praktikal na rin noon na gayahin ang hitsura nila bilang pakikiayon sa kanilang kultura. 

Pangalawa, kahit mahahaba ang buhok ng mga sundalo, di naman sila marunong ng salita ng mga netibo sa lugar. Mas lalo nang malabong useful ang pagpapahaba ng buhok o bigote kung natuto na rin ng passwords at countersigns ang mga bandido. Nasa internet na ngayon ang mga kwento ng pakikidigma, kasama na ang counterinsurgency warfare

Pangatlo, dapat lang na tatalima ang lahat sa nakasaad sa AFP Transformation Roadmap na kung saan ay inaasam ng pamunuan na 'aakuin at ipagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang mga sundalo'. Sino ba namang matinong Pilipino ang magmamalaki sa sundalong hitsurang bandidong Abu Sayyaf o NPA? 

Pang-apat, ang matitinong lider ay dapat malawak ang pananaw at natututo sa mga karanasan. Minsan, hindi mo na matukoy kung sino ang sundalo o bandido sa mga engkwentro kung maghalo-halo na ang iba't-ibang yunit. Ito ang aking mapait na karanasan nang mag-reinforce ako sa mga estudyante ng SR Class 145 na nakasagupa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Tuburan, Basilan noong taong 2002. 

Pangwakas, walang direktang koneksyon ang pagpahaba ng buhok at ng katapangan. Noong ako ay Tenyente, binuo ko ang grupo ng mga sundalong ayaw magpagupit at pinamunuan ko bilang nasa spearhead ng mga operasyon kontra Abu Sayyaf. Sa mga labanan, nakikita ko yong sumusubsob sa likuran ng bato o sa puno ng niyog ang mga 'warrior' kuno. Di rin nagtagal, gusto nang magpagupit iyong ibang gupit bandido. Porma lang pala pare ko. Sa ngayon, ang aking opinyon sa mga nagpapahaba ng buhok ay pabebe at pang-porma lang sa FB posts.

Ang dapat na hitsura ng respetadong mandirigmang Pilipino. Pinaninidigan ang pagiging mandirigma sa aktwal na labanan at hindi sa porma lamang. Pinatunayan ito ng mga mandirigma ng SOCOM (SR, SF at LRC) sa Zamboanga Siege noong 2013. (Larawan mula sa open sources)

Therefore, hindi ako sang-ayon sa inyong baluktot na paniniwala at argumento tungkol sa paggaya sa hitsurang bandido. Kung ipagpilitan ninyo, volunteer agad na maging assault element parati sa yunit ninyo. Mas maigi kung magiging pinuno nyo ako, katabi sa labanan at kikilatisin ko ang pagiging 'warrior' base sa hitsura nyo. 


Sunday, December 27, 2015

10 things a Scout Ranger leader can do to boost soldiers' morale (Part 2)


Nakikita sa larawan ang aking pagtuturo ng pag-gamit ng Microsoft Office para sa aking admin personnel. Layunin ng training na maging bihasa ang mga NCOs sa pagsagawa ng admin support tasks habang ang tropa ay nakikipaglaban. Ang lahat ng mga NCOs na ito ay boluntaryo ring sumasama sa combat patrols dahil mas mataas ang tsansa ng meritorious promotions ng combat operators kaysa mga taong opisina. 


Sa unang bahagi ng aking kwento, nailahad ko ang mga personal na diskarte paano labanan ng isang Scout Ranger ang kalungkutan sa field assignment. Parang kalokohan lang no? 

Sa totoo lang, napakabihira ang insidente ng battle stress o post traumatic stress disorder (PTSD) na kalimitang nangyayari sa mga miyembro ng US armed forces. Siguro, dahil ito sa pagiging madiskarte ng sundalong Pilipino paano nya pasayahin ang sarili. Maliban pa dyan, likas na masayahin naman tayo kahit napakahirap ng sitwasyon na ating nararanasan. Ganon din kaming mga sundalo.

Ganon pa man, malaking problema pa rin at sakit sa ulo ang magkaroon ng 'war shock' na kasamahan. Merong nakikitaan ng sintomas nito mula sa iba't-ibang units na nakasama namin sa Sulu noong taong 2000. Merong namamaril ng kanyang kasamahan. May isang nagtapon ng granada. Merong nawalan na ng focus sa ginagawa at naiputok ang Cal 50 machinegun sa friendly forces. May isa akong tao na parati nang nakatingin sa langit at nagbibilang ng mga bituin o naghahanap ng planetang Uranus. Bilang lider, responsibilidad ko rin ang maaksyunan ang problemang ito bago manganak ng mas masalimuot na problema. Dito papasok ang malaking tulong ng mga NCO-leaders na syang direktang nakakasalamuha sa mga tao sa squad o team level. 

Maraming mga pamamaraan para mapataas ang morale ng mga sundalo at ng yunit sa pangkalahatan. Ang mga pamamaraan na ito ay ginagawa ng isang Company Commander na syang merong direktang responsibilidad sa kanyang kinasasakupan, at ito rin ay pwedeng ginagawa ng isang Platoon Leader o Detachment Commander na nadestino sa isang malayong assignment. Merong mga diskarte na kailangan ng pondo ng yunit (wag magtipid o magdamot ng MOE) at meron namang pawis at malamig na tubig lang ang puhunan (wag magpatamad-tamad o patulog-tulog sa pansitan)

Ibahagi ko ang iilan sa pamamaraan para parating 'on the go' at 'high-morale' ang aking mga sundalo sa yunit:

1. Sustainment training. Lagi kaming nagsasanay sa pakikidigma para lagi kaming lamang sa kaalaman at kagalingan kaysa mga kaaway. Sama-sama kami sa physical exercises (roadruns at calisthenics), sa pag-review ng operational TTPs (techniques, tactics and procedures),sa live-fire exercises, quick-reaction drills at team/platoon maneuvers. Sa pamamagitan nito, kampante kaming lahat na mas asintado, mas malalakas at mas mahusay kami sa larangan ng pakikidigma kaysa mga kalaban. Kapag confident sa combat operations ang sundalo at mataas ang level ng samahan ng yunit, mataas din ang kanilang morale. Paano na lang kaya kung ang ginagawa ng mga sundalo mo ay maghimas ng manok,  nag-tong-it maghapon, nagkukuyakoy sa duyan at naglalasing habang nagtatambay sa barangay?

                            
Kahit graduates ng Scout Ranger Course ay kailangan ng regular refresher training ng Techniques, Tactics and Procedures (TTPs) ng operations. Dito namin napupuna ang mga lapses ng procedures at ginagawan ng spot corrections para hindi maulit sa aktwal na pakikidigma. Ang mga sundalong tinatalikuran ang pagsasanay na ito ay posibleng ma-windang sa aktwal na bakbakan. Dahil hindi kampante sa kasamahan, nagreresulta sa pagka-watak-watak, iwanan  (run for your life) at napupugutan ng ulo.

                              
Sinasanay sa combat swimming ang aking mga tauhan bilang paghahanda sa waterborne operations sa mga isla ng Sulu. Ginanap ko ang pagsasanay na ito sa Taglibi, Patikul, Sulu. Makikita sa background ang aming playground, ang Bud Bagsak-Bud Tunggul-Mt Sinumaan complex.

                              
Nagsasanay ang aking mga NCOs ng mission planning gamit ang modelo ng terrain na pinamumugaran ng mga bandido. Layunin ng training ang pagpataas ng kanilang kakayahan sa pagplano ng team level o platoon level operations na minimum ang supervision ng mga opisyal.      

                             
Kuha sa larawan ang live-firing activities ng aking yunit sa paanan ng Bud Datu, Indanan, Sulu. Kasama sa regular na nagsasanay ay ang aking mga snipers na merong kakayahang magpatama ng bandido sa layong kalahating kilometro. 

2. Rest & Recreation and Leaves. Binibigyan ko parati ng pribilehiyo ang aking mga tauhan na makauwi kasama ng kanilang kapamilya. Sa tulong ng First Sergeant at ng mga sub-unit leaders, sila-sila na ang nag-uusap sa diskarte ng release ng mga magbabakasyon. Ang requirement ko lamang ay hindi masira ang team integrity, ang ibig sabihin, dapat buo pa rin ang team kung may pinauwi na miyembro nito. Dito rin papasok ang succession of command na kung saan ay merong katiwa-tiwala na NCO na syang magdadala sa Team/Squad habang nakabakasyon ang isa. Dalawang aspeto ang naisaayos ko para mapanatili ang taas na level ng morale: Una, nakakabili sila ng murang ticket dahil planado ang uwi. Pangalawa, kampante sila na buo ang team at hindi mag-iiwanan dahil magaling pa rin ang magdadala sa kanila.

3. "Happy hour". Sa pagkakataong meron kaming iilang araw ng pahinga, ginaganap namin ang happy hour na kung saan ay merong boodle fight, videoke at inuman para sa mga birthday boys. Magandang stress-reliever ang aktibidad na ito at dito lumalabas ang mga hidden talents ng mga tropa simula sa pagluluto ng masasarap na putahe, hanggang sa pagalingan sa pag-awit ng walang kamatayang "My Way"

                            
Napatunayan na ring pangtanggal ng combat stress ang videoke singing tuwing 'Happy Hour'. Kuha sa larawan si Cpl Junjie Cuevas ng Mindoro na kinakantyawan naman kanyang batchmate na si  Cpl Arnold Panganiban ng Cavite.

4. Rewards and Punishments. Sinisigurado ko parati na ang magagandang accomplishments ay may kaukulang  awards  o kaya ay meritorious promotion kung nakakumpiska kami ng matataas na kalibre ng baril. Sa mga iilang nagpapasaway, sinisigurado ko ring merong patas na kaparusahan. Mahirap itong gawin ngunit kailangang pagtyagaan ng mga officers at Admin NCOs na syang mag-proseso sa mga papeles nito. Sa dami ng meritorious promotions sa aking yunit, lahat na personnel ay gustong sumama sa combat patrols. 

5. Letters to family. Dahil hindi pa gaanong uso ang cellphone sa lahat ng tropa sa panahon na iyon, sinusulatan ko ang mga magulang o kaya mga asawa ng aking mga sundalo para ipaabot ang aking pagbati, ipanatag ang kanilang kalooban at impormahan sila tungkol sa schedule ng R&R. Sa iilang pagkakataon, naipagbati ko yong nag-aaway na mag-asawa o kaya nagawan ko ng paraan na mabawasan ang iniinda nilang problema na nakakaapekto sa morale ng sundalo.

6. Best-best competition. Tuwing nasa kampo kami, isinasakatuparan namin ang paligsahan sa team kagaya ng Team Equipment Run o Team live firing o pagandahan ng Vegetable Garden. Sa pamamagitan ng mga palarong ito, nabubuo lalo ang kanilang samahan at tumataas ang kanilang kumpyansa sa bawat isa. Binibigyan ko ng kaukulang cash prizes ang team o kaya passes ang nananalo sa paligsahan.

                           
Kuha sa larawan ang team level firearms maintenance training ng aking kumpanya tuwing nakakapagpahinga kami sa Camp Teodulfo Bautista, Busbus, Jolo, Sulu. Si Cpl Gil Galsim (right), ang syang nanguna sa pagsasanay ng mga tropa sa layuning lahat ay bihasa paano paganahing mabuti ang mga armas tuwing merong bakbakan. 

                           
Kuha sa larawan ang sustainment training ng aking unit sa advanced rifle marksmanship na ginagamitan namin ng improvised moving targets at disappearing targets para mahasa ang shooting skills ng aking mga sundalo mula 25 metro hanggang 250 metro. Para may kasayahan sa training, binibigyan ko ng cash prize ang pinakamagaling na Team Score. Sa firing range din na ito nagdaos ng shooting competition para sa mga sundalo na pinondohan ni ex-Governor Wahab Akbar.  

Sa tulong ng iba't-ibang personnel mula sa mga ka-buddy na SR Companies, pinagtyagaan naming linisin at ginastusan ng fuel ang mga bulldozers na ginamit para sa pagpapagawa ng sarili naming firing range na ito sa Bgy Cabunbata, Isabela, Basilan. Nang makita ito ng 103rd Brigade Commander Col Hermogenes Esperon, nagpagawa rin sya ng firing range sa kanyang headquarters sa Bgy Tabiawan. 


7.  Messing. Ang isa sa sikreto para tumaas ang morale ng tropa ay ang pag-maximize sa mabibiling pagkain ng aming kapiranggot na mess allowance. Para magawa ito, lahat ay dapat kasama sa consolidated mess pati ang mga opisyal at senior NCOs. Kapag combat patrols, pinapabaunan namin ang bawat team ng extra viand na kagaya ng deep fried chicken o simpleng bagoong. Tuwing resupply naman, pinapalutuan ko sila ng pansit at tinola para matanggal sa dila ang lasa ng walang kamatayang sardinas. Binibigyan ko rin ang mga Team Leaders ng fund support para pambili ng extra ulam ng team at kanya-kanya na silang diskarte ng  pagluluto para sa team members nila.  Di ba't nakaka-high morale iyon?

8.  Community service. Kinakaibigan namin ang mga tao sa paligid ng aming resupply area. Pinaparamdam namin sa kanila na hindi kaaway ang turing namin sa kanilang mga sibilyan. Nang may nag-request ng libreng tuli, pinag-tutuli namin ang mga kalalakihan. Tinulungan din namin silang magkaroon ng public toilet para hindi na nila kailangang magkalat ng yellow submarine napakaganda nilang dalampasigan. Dahil dumami ang aming kaibigan sa lugar, nababawasan ang aming combat stress at ito ay nagpapataas din ng morale. 
                            
Kinaibigan namin ang mamamayan sa Taglibi, Patikul, Sulu na syang resupply area ng 1st Scout Ranger Battalion tuwing may combat operations sa lugar noong 2000-2001. Kuha ang larawan bago ang ground breaking ng ipinatayo naming public toilet na ginastusan mula sa kontribusyon ng pondo mula sa iba't-ibang SR Companies (10SRC, 1SRC, 19SRC, 14SRC, 7SRC) at maging ng 1st SRB. Kasama ko sa larawan ang Company Commander ng 7SRC na si 1st Lt. Roy Derilo (4th from left). 


9.  Entertainment area. Ang aking yunit ang isa sa kauna-unahang nagkaroon ng Satellite Dream Cable sa Basilan. Ginastusan ko ito para makapanood ang tropa ng samo't-saring palabas na makakapag-pasaya sa kanila kagaya ng National Geographic Channel, History Channel at HBO Movies. Ang paborito nilang panoorin ay iyong Tagalog movies lalo na ang mga sine ni Robin Padilla, Dolphy at Vic Sotto. 

10. Schooling. Kahit nasa field duty kami, pinapa-schedule ko parati ang pagpapadala ng career at specialization schooling ng tropa. Ito ay parte sa pagtingin sa kanilang career path habang tumataas ang ranggo na kung saan ay pwede silang madestino sa ibang mga assignments sa higher headquarters. Kapag nakakalimutan ng mga opisyal na ipadala rin ang tropa sa schooling ay nakakababa ng morale dahil naaapektuhan ang promotion nila kung hindi nagkaroon ng required schooling sa ranggong dapat makuha nila. 


Thursday, July 09, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 25)



(Karugtong sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold_8.html)


To kill than be killed

Ipinag-uutos ko na 'low ready' position carry ng baril ang aming gagawin habang papalapit sa mga kalalakihan para hindi sila maging defensive agad at magkagulo. Sa 'low ready' carry, naka-45 degree angle downwards ang muzzle ng baril, trigger finger out ngunit handa ang sundalo na ito ay iputok sa loob ng 2-3 segundo. Ang engagement na ito ay ang tinatawag naming 'quick kill' firing na syang mabilisang pamamaraan na ma-engage ang targets sa layong 5-25 metro.

Nakikita kong nagulat silang lahat at tila parang nauupos na kandila sa kinatayuan. Ang iba sa kanila ay nakatitig sa kinalalagyan ng kanilang armas. Inihahanda ko na ang aking sarili sa aking sasabihin ngunit tinitingnan ko sa mata ang gwardya na nakahawak din ng kanyang Ca. 5.56mm M653 Rifle. Parang kasing talas ng kris ang kanyang titig sa akin. Tinitigan ko rin ang kanyang shooting hand dahil nakapasok ang trigger finger nya (Tila walang seminar ng Gun Safety Handling). Nagtitiwala na lang din ako na ready to fire si Ranger G, ang aking sniper na nakatutok sa noo nya ang 10x power Nimrod scope sa layong 50 metro. Samantala, pinag-aaralan ko na noon paano mag-side step, dumapa at pumutok sa pinakamabilis na paraan. Kalimitan, pagdating sa labanan, "It is better to kill than to be killed!"

Sa layong 10 metro, nauna na akong bumati. Hinarap ko ang pinakamatanda sa kanila.

"Ama, Assalamu Alaikum!" Hilaw ang kanyang ngiti ay ako rin ay binati: "Alaikum mussalam!"

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, sinabi ko na agad ang dapat sabihin.

"Mayta mataud sinapang dain di?" (Bakit maraming baril dito?)

Walang makapagsalita sa kanila. Napansin ko na palakad-lakad ang kanilang armadong gwardya na tila ay di mapakali.

"Sel, wayruun Abu Sayyaf dain di. MNLF kami katan!" (Sir, walang Abu Sayyaf dito. MNLF kaming lahat!)

Sanamasita talaga. Narinig ko na naman ang consistent alibi sa aming operasyon. Di ko maintindihan kung bakit kung saan-saan ay may biglang sumulpot na bagong 'MNLF camp' kuno, na hindi kasama sa napagkasunduan. Nakamarka sa aming mapa ang lahat ng 'recognized MNLF Camp'. 

"Pasensya na kayo, hindi kasama sa registered MNLF camps itong inyong lugar. Kailangan kong kumpiskahin ang lahat na baril nyo."

Nang marinig nila iyon, nagsimula ang tensyon. Nauulinigan ko ang salita nila na galit at gustong lumaban. Dahan-dahang dumadami ang nagsipagdatingang kalalakihan at may nakita akong dalawang nakaposte na may bitbit na kris. Nakatali ang piraso ng cloth sa ulo at balikat nila. Napansin ko rin na dahan-dahang lumayo ang kababaihan at kabataan na noong una ay nakikiusyoso. Doon ko mas lalong naramdaman ang kaba. Senyales iyon ng juramentado. Doon nabiktima ang mga tauhan ni General Jack Pershing sa kanilang gyera sa Bud Bagsak at Bud Daho sa panahon ng American Pacification campaign noong early 1900s. Mabuti na lang ay nagbabasa ako ng kasaysayan ng pakikidigma sa Sulu.

Tuloy-tuloy ko silang pinakausap sa aking sundalong marunong mag-Tausug habang umatras ako sandali sa pwesto ni Cpl Cuevas, ang aking Radio Man.  Inalerto ko ang lahat sa sitwasyon: 

"Lahat ng may dala ng 7.62mm na baril, itutok sa pasaway na may itak."

Naninigurado ako na matutukan ang mga juramentado ng mas malakas na kalibreng baril kasi sa layong 10-15 metro, baka mataga rin ako kung di ko mapatumba sa aking 5.56mm M193 round, lalo na kung di ko mapatamaan sa ulo. 

Kinausap ko rin ang TCP na noon ay naalarma sa aming sitwasyon. Ang aming S3 na si "Sir Kru" ang aking nakausap:

"Sir, mukhang magkakapintakasi na dito. Pakidala ang armored vehicles natin!"

Binalikan ko si Ama,  ang pinakamatandang kausap ko at sinubukan kong pawiin ang kanilang pangamba.

"Ama, gumagawa lang kami ng trabaho. Walang papel ang baril nyo. Hindi rin registered MNLF camp ito. Ngunit, hindi natin ito pag-aawayan. Safekeeping lang ang gagawin ko sa baril nyo dahil ang mag-uusap tungkol dyan ay ang mga nakakataas sa atin."

Nang kumalma si Ama na tipong respetado ng grupo, ang isang mas nakababata naman ang tumapang at nagtaas ng boses. 

"Hindi kami kalaban Sel. Pero lalaban kami kung kinakailangan!"

Nakikita kong lumalabas ang ugat ng leeg nya. Namumula sya na tila ay nakainom ng tuba. Walang patutunguhan ang usapan namin. Si Ama ang binigyan ko ng atensyon dahil sya naman talaga ang pinakikinggan ng karamihan. 

Iilang minuto lamang nakalipas, naririnig na namin ang tunog at kalampag ng Simba armored personnel carriers. Armado ito ang Cal. 50 Heavy Machinegun. Masakit ata tumama iyon.  

Napansin ko na nagbubulungan silang aming kaharap. Pinapawisan na ako sa matinding pressure sa napipintong barilan. Naririnig kong inuudyukan nila ang armadong gwardya. Ismol bat tiribol ang porma.

Di kalaunan, dumating ang mga Simba. Nagpwesto ito mga 30 metro sa aming likuran. Nanlupaypay sila dahil sa aming pwersa. Nakikita rin nila na meron pa kaming iba pang kasamahan sa iba't-ibang sulok doon.

Sinamantala ko ang sitwasyon para ibigay ang aking kautusan: "Kunin ang lahat na mga nakasandal na armas!"

"Relax lang kayo Ama, ako ang bahala. Hindi natin kailangang magpatayan. Ang Abu Sayyaf lamang ang aming kalaban."

Tahimik ang lahat. Kinolekta namin ang mga armas. Inilista namin ang klase ng armas at ano ang mga serial numbers. 

Iniutos ko rin sa aking mga tauhan na kunin ang mga pangalan ng nagpakilalang MNLF members. Ang iilan sa kanila ay mayroong Identification Cards, ang ang mas nakararami ay panay cedula.

Sa madaling salita, hindi namin naiputok ang aming mga baril. Hindi nadagdagan ang nagtatangis na mga pamilya sa lalawigan ng Sulu. Hindi nadagdagan ang posibleng casualties sa hanay ng Army.

Sa pagkakataong iyon, naipakita ko sa mga mandirigmang Tausug na kaya ring rumespeto ng nakakalaban ang mga magigiting na Scout Rangers. Nasunod namin ang napakasimpleng Rules of Engagement.

Sa karanasan ko na iyon, doon ko napatunayan na mas ginagalang ng mamamayan lalo na ng mga tao sa makasaysayang lugar ng Sulu ang kasundaluhang nagbibigay din sa kanila ng parehas na pag-galang.

 Kuha sa larawan si Pfc Rolly Alindajao na syang aking inutusan na ipunin ang mga armas mula sa  armadong grupo. Umabot sa 38 na iba't-ibang klaseng riple ang aming nakuha.


Ito ang larawan namin nang humupa ang tensyon sa lugar na aming nilusob. Inakbayan ko ang gwardya na muntik kong maka-dwelo. Nasa aking likuran si Ama na syang aking masinsinang kausap para makumbinsi silang lahat na maging mahinahon. Nasa pinaka-kanan si Cpl Arnold Panganiban at pangatlo mula sa kanya ay ang isa sa muntik nang mag-juramentado gamit ang kanyang kris. Kasama sa aking 'inaawitan' ay ang pagbili sa kris na muntik nang maging sanhi sa pagdanak ng dugo sa panahong iyon. (10SRC Photo)



Wednesday, July 08, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 24)



Ang mga taong nagsasamba sa masjid ay dapat respetuhin ng miyembro ng armed forces sa pagsagawa ng military operations sa mga lugar na pinamumugaran ng mga terorista at bandido. (Photo from internet sources)


(Karugtong sa kwento mula sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold.html)


Ewan ko lang pero tila ay nilalagnat ang aking pakiramdam tuwing merong nakaambang panganib. Bumibilis ang pintig ng aking puso na tila ay babala para maging alerto. Para sa ibang hindi nakokontrol ang pakiramdam na ganito, nauuwi sa nerbyos at hindi nakakapagbigay ng tamang desisyon sa mabilis na paraan. 

At sa pagkakataong iyon, kailangan kong magbigay ng desisyon at kautusan. Buhay ang nakataya sa aking mga hakbang kaya nais ko ring makapanigurado.

Nilapitan ko ang mga tropang nagmamanman sa harapan. Ang mga baril nila ay nakaumang sa masjid at inaantay ang aking command.

"Shhhhhhhhh. Antay muna. Adhan (call to prayer) iyang naririnig natin," bulong ko sa aking tropa. 

"Pass the word, freeze tayong lahat. Establish all around security."

Tila isang awit ang adhan na syang panawagan sa mga Muslim para sa pagdarasal. Sa ibang lugar ay ginagamitan ng muezzin o imam ng mikropono ang adhan para malaman ng lahat na magsisimula na ang salah (prayers).

"Allahu akbar! Allahu akbar!Allahu akbar! Allahu akbar!"

"Asshadu anna la ila illa Allah!Asshadu anna la ila illa Allah!"

"Haya alas salah! Haya alas salah!"


Parang dahan-dahang napawi ang aking kaba dahil parang awit para sa akin ang adhan. Ganon pa man, nananatili kaming alerto dahil hindi pa namin sigurado kung Abu Sayyaf ang mga armado. 

Batid na batid naming mga Musang na pati teroristang Abu Sayyaf na kagaya nina Radulan Sahiron at Isnilon Hapilon ay tila matinong Muslim kung mag-salah. Sanamagan ang mga pekeng Muslim na iyon.

Mula sa aking pwesto, nakikita kong paisa-isang pumasok ang mga kalalakihan. Ang iba ay huminto sa isang sulok at naglilinis ng kanilang katawan bilang paghahanda sa pagdadasal, na kung tatawagin ay wudu o ritual ablution.

Di kalayuan nakikita kong naka-high crawl palapit sa akin si Pfc Rolly Alindajao para ako ay bulungan. Kahit agaw dilim ay naaaninag ko ang kanyang hitsura at lalo ko syang nakikilala kapag nagsasalita dahil sa kanyang heavily-accented Bisaya. 

"Sir, nakasandal ang mga baril nila nasa gilid ng isang bahay. Isang tao lang ang nagbabantay at nakahawak ng baril. Antay lang kami kung kumins payring (commence firing) na sir!"

Para makumpirma ang kanyang impormasyon, gumapang ako sa posisyon nila at inobserbahan ang paligid gamit ang Night Vision Goggles. 

Nakita kong tila ay flash light ang ilaw na galing sa sigarilyo ng kanilang gwardya. Sa loob ng masjid ay humigit kumulang sa 20 ka tao ang nagsisimula nang magdasal. Wala syang kamalay-malay na magkahalong M60 Machinegun, M16A1 Rifle at Sniper Rifle ang nakaumang sa kanyang pwesto.

Tinapik ko si Cpl Jonjie Cuevas, ang aking Radio Man na taga Mindoro, para tawagan si Batcom gamit ang aming radyo na kung tatawagin ay 'Pito-pito' (PRC 77). Binigay ko ang aming grid coordinates at ang sitwasyon sa kinaroroonan.

"Eagle this is Bullseye, nakikita namin posibleng mga kalaban. More or less 20 ang nasa masjid, nakasandal ang mga baril at ang isa ay nakaalerto bilang gwardya. Oobserbahan pa naming mabuti ang kanilang aksyon."

Pagkatapos na makausap ang aking Commander na nasa Tactical Command Post, inipon ko ang lahat na mga Company Commanders na kasama para sa aking final briefing.

"Di pa sigurado kung mga Abu Sayyaf ang armadong iyan. Ang gagawin natin ay lapitan namin ang mga taong iyan bilang Main Effort at mapayapang kumpiskahin ang mga armas. Bantayan nyo ang bawat sector at iyong akmang makipagbarilan lamang ang puntiryahin. Ipakita nating mas marami tayo at nakahanda tayong lumaban kung kailangan."

Pagkatapos ko silang makausap, ang mga Team Leaders ko naman sa kumpanya ang aking binigyan ng specific instructions.
"Ang sniper ang take charge sa gwardya. Kung ipuntirya nya ang baril at tipong mamumutok, bigyan ng 1 round sa ulo. Skirmishers line ang dalawang section palapit sa kanila. I-secure ang lahat ng mga armas na nakasandal habang kakausapin ko ang pinaka-lider nila. Hangga't maaari, iwasang paputukan ang mga bahayan."

Ang aming 'Pintakasi'

Marami na ring karanasan ang mga Musang sa pakikipaglaban sa mga teroristang Abu Sayyaf simula 1990s at maging sa MNLF noong 1970s. Natuto na rin ang karamihan sa amin pagkatapos na nalagasan sa tinatawag na 'pintakasi' na kung saan ay nilalamok ang buong patrol kapag buong barangay ang nagtulong-tulong para labanan ang mga sundalo na pumasok sa kanilang lugar. Hindi na pinag-uusapan doon kung sino ang Abu Sayyaf, MNLF o ordinaryong mamamayan sa panahon ng bakbakan sa kanilang komunidad. Naranasan din ito ng 10th SRC sa Al-Barka (Tipo-tipo) noong 1999 at sa Upper Manggas noong 1997. Ang 1st SRC naman ay nasubukan ang makipaglaban sa mas nakararaming Abu Sayyaf at nakikisawsaw na mga kababaryong armado sa Sitio Crusher, Bgy Caro, Kapayawan noong 1995 na kung saan ay nanaig ang mga Musang at nagawaran ng Medal for Valor si Captain Cirilito Sobejana, ang magiting nilang Company Commander.

Bilang ground commander, responsibilidad ko na mapigilan ang pintakasi at sa halip ay gamitin ito laban sa aming kaaway. Ang inaalala ko lang parati ay ang maiwasan ang makapatay ng mga ordinaryong sibilyan na napilitan lang din na lumaban dahil sa pagkamatay ng mga kaanak nila. Ayaw ko naman na ako pa maging dahilan na merong ma-inspire na kabataan na mag-Abu Sayyaf!

Nang mapansin kong tapos na ang kanilang pagdarasal, inalerto ko ang aking mga tauhan sa aming susunod na hakbang. Iyon ang pinaka-kritikal na bahagi dahil lalapitan namin sila at ma-expose pati ako sa enemy fires. 

Depende sa gwardyang may hawak ng baril kung tuluyan nga kaming magkabarilan at magpapatayan. Depende rin iyon sa reaksyon ng mga may-ari ng mga nakasandal na armas.

Depende rin iyon sa aming ipapakitang aksyon habang papalapit sa kanilang grupo.

Nanalangin ako sa Diyos at humingi ng proteksiyon bago ko tinapik ang balikat ni Cpl Arnold Panganiban, ang Team Leader ng leading elements na aking sasamahan. 

Pumunta ako sa harapan at sabay-sabay na kaming tumayo para lapitan ang gwardya at ang mga taong kalalabas sa masjid. Dalawampung metro ang layo ng mga damong pinagtaguan namin mula sa kanila.

"Let's go, walang iwanan!"

Naka-unlock na ang aking chamber-loaded na AUG Steyr. Nilalagnat akong muli habang naglalakad palapit sa mga bagong dasal na kalalakihan. Di maipinta ang hitsura ng kanilang mukha na nabigla sa kanilang nakikita.

(Abangan ang karugtong)

Saturday, July 04, 2015

Rules of Engagement: Shoot or Hold? (Leadership Experience Part 23)



Kuha ang larawan sa aking ginagawang Troop Information & Education (TI&E) sa 10th SRC na aking pinamunuan, na kung saan aking tinatalakay ang aking simpleng Rules of Engagement (ROE) sa aming pakikidigma laban sa mga Abu Sayyaf sa Sulu. (10SRC Photo)

(Karugtong ang kwento na ito sa http://rangercabunzky.blogspot.com/2014/03/ang-manager-ng-10th-scout-ranger.html)


Pagkatapos ng halos dalawang buwan ng sunod-sunod na combat operations sa kasuluk-sulukan ng Sulu, tila ay naglahong parang bula ang mga bandidong Abu Sayyaf na sa mga video footages ay naghahamon ng barilan sa mga sundalo. 

Nababalitaan namin na ang ilan sa kanila ay pa-simpleng humalo sa mga kaanak nila sa 'recognized' MNLF camps at ang iba naman ay sa kanilang mga kapamilya sa mga pamayanan. Ito ang kasama sa mga hamon na aming kinakaharap noong panahon na iyon dahil ang mga kaaway ay hindi namin lahat kilala ang hitsura. Kung walang armas, pwede silang magkunwaring magsasaka, mangingisda o kaya ay MNLF din! 

Dahil sa kababayan din natin ang mga kaaway, parati kong ipinaalala ang aking pinaiiral na Rules of Engagement (ROE) na hango sa aming pinag-aaralang International Humanitarian Law (IHL). Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Kung ang nakikita ay armadong nag-kakampo sa gubat, mas paniniwalaan naming sila ay mga demonyong Abu Sayyaf. Sa bakbakan, ang lahat ng  nakikipagbarilan lamang ang barilin. Gawan ng paraan na hindi mabaril ang mga hostages.

2. Kung ang nakikita ay armadong nasa bahayan o komunidad, i-trato muna namin iyon bilang ordinaryong sibilyan. Depende sa sitwasyon, pwede itong lapitan para kausapin, at disarmahan sa mapayapang pamamaraan. 

3. Kung ang engkwentro ay nasa bahayan, iwasang mawasak ang buong bahay gamit ang sobra-sobrang pagpaputok dito. Bawal ang manunog ng bahay. 

4. Kapag nasa bahayan ang engkwentro, siguraduhing nakaumang na mabuti ang putok sa armadong nakikipagbarilan para maiwasan ang makatama ng non-combatants.

5. Ang ayaw lumaban, ipataas ang kamay at ipatapon ang armas. Respetuhin ang natatalong kaaway.


Ipinaliliwanag ko sa aking mga tauhan ang malaking responsibilidad na masiguradong mga kaaway na kriminal at terorista lamang ang aming kinakalaban. Hirap no? Oo nga, mahirap ang lumaban ng patas ngunit mabigat ang responsibilidad naming mga sundalo dahil sumusunod kami ng tinatawag na laws of armed conflict.

Dahil dyan, palagi naming ipinaalala ang aming responsibilidad na sundin ang ROE tuwing bakbakan. Halimbawa, sa aming live firing activities, ipinaalala namin na armadong kalaban lamang ang babarilin, kailan gagamitin ang machinegun, 90mm Recoilless Rifle, Mortar fire at lalo na ang artillery fires. 

Sa aming combat firing exercises sa Sulu, tinuturuan ko ang aking mga tauhan paano sipating mabuti ang target at kailan kalabitin ang baril kung kinakailangan. Kasama sa aming pagsasanay ang pagpatama ng headshot sa layong 100m at 200m.


Ang aming kaaway

Kami ay nag-resupply noon sa Bgy Taglibi sa bayan ng Patikul nang kami ay nilapitan ng isang 'walk-in' informant kasama ang isang opisyal ng baranggay tungkol sa mga Abu Sayyaf na nagtatago diumano sa bahayan mga tatlong kilometro lamang mula sa aking kinaroroonan.

"Sel, awun Abu Sayyaf dain duun ha Taong!" (Sir, merong Abu Sayyaf doon sa Taong!) 

Inusisa ko ang kanyang report at pinagawa ko sya ng sketch ng lugar. Sabi nya, nasa 40-50 ang armadong nakita nya na mga Abu Sayyaf.  Nang kinumpara at inaral ko ito sa mapa, nakita ko na ito ay malapit sa dalampasigan. Tiningnan ko rin ang mga grid coordinates ng 'recognized MNLF camps' at ang pinakamalapit ay nasa Bgy Buhanginan na mga 3-4 na kilometro lamang ang layo. 

"Bagay, sigurado kaw? Bunnal yan?" 

Hindi ako kumbinsido sa salita nya ngunit binigyan ko rin ng benefit of the doubt. Marami kasi ang possibilities kagaya ng paghahalo ng mga magkakamag-anak na Abu Sayyaf at mga ordinaryong sibilyan. Ika nga eh, "Blood is thicker than water." Naisip ko rin na baka naman ay ka-rido lang ng impormante ang armadong grupo at gagawin kaming kasangkapan na sila ay masagasaan ng mga Musang! Hmmm. Naranasan ko na ang style na iyon sa Basilan.

Dahil hindi pa ako kumbinsido, minabuti kong gumawa ng recon plan at nang madagdagan ang aking kaalaman tungkol sa lugar.

Kuha ang larawan sa ginawa naming recon sa lugar na may nakitang mga armadong kalalakihan. Nagsuot kami ng sibilyan pero nagbitbit pa rin kami ng armas. Doon ko nakita ang mas maliwanag na picture tungkol sa terrain conditions ng target area na hindi kalayuan sa maraming bahayan. Nakita ko na ito ay malapit sa isang Masjid na mataguriang non-military target.

Pagbalik sa kampo, binuo ko ang plano paano 'tirahin' ang target gamit ang SMESC na format. Inatasan ako ng aming Bat Com na maging over-all Ground Commander at ang aking yunit ang Main Effort. Nagbigay ng tig-isang platoon ang 15th SRC, 12th SRC, 7th SRC at ang 1st SRC. Pinaiwan bilang Reserve ang 14th SRC. Mahigpit kong ipinaalala ang aming taktika laban sa 'pintakasi'.

Simple ang aming plano na aking ipinaliwanag sa lahat ng mga unit leaders sa aming mission briefing. Dapat malapitan namin ang mga armado sa kanilang pinagtataguan at bubulagain namin sila mula sa dilim. As much as possible, hindi namin paputukan kung hindi lalaban. Dapat maabutan namin silang walang hawak na baril. Ang aktong lalaban lamang ang putukan. Paano iyon? Easy ba? Basa pa more.

'Gapang Musang, gapang!'

Pagkatapos ng final inspection ng kagamitan, inipon ko ang aking tropa para sa aming tradisyon na magdasal ng aming combat prayer. 

"Pagpalain tayo ng Diyos at tayo ay kanyang patnubayan. Maging alerto, uuwi tayong lahat na buhay!"

Palihim kaming lumisan mula sa aming Patrol Base mga ala-una ng madaling araw, habang ang lahat ay mahimbing na natutulog. Chamber-loaded kaming lahat at handang pumatay kung kinakailangan.

Isa ang nais naming makamit sa aming mga lakad. Bawal ang mabuking! Dapat may element of surprise. Nakasalalay sa Patrol Leader ang mga kritikal na desisyon gamit ang instincts at judgment call. Kapag mali ang desisyon ng leader, posibleng mas mabigat ang consequences ng engkwentro kagaya ng kaguluhan sa pulitika o kaya madagdagan lamang ang magiging kaaway ng gobyerno. 

Maraming beses kong inihinto ang buong patrol para sa pag-map check at pag-reorient. Iniwas ko ang aking tropa sa mga paisa-isang bahayan sa lugar para hindi ma-compromise. 

Narating namin ang lugar bandang alas singko ng umaga. Gamit ang Night Observation Devices ay inusisa kong mabuti ang aktwal na kinaroonan ng mga bahay ayon sa sketch na ibinigay ng aming impormante.

Kausap ko ang lahat ng mga opisyal na aking kasama sa aming Objective Rally Point nang bigla kaming nabulabog sa isang sigaw: "Alllllllllllahu Akbar, Allahu Akbarrrrrrr!"

Narinig ko ang lagatok ng mga tauhan kong nag-unlock ng safety lock ng baril. Dahan-dahan kong pinindot ang safety mechanism ng aking AUG Steyr. Inobserbahan ko ang paligid.

Inaantay ng aking mga tauhan ang aking kautusan. Nasa aking mga balikat ang mabigat na responsibilidad. Para akong nilalagnat at kumakalabog ang aking dibdib. Putukan o hindi?

(May karugtong sa susunod na kabanata sa pamamagitan ng pag-sunod sa link http://rangercabunzky.blogspot.com.au/2015/07/rules-of-engagement-shoot-or-hold_8.html)


Friday, April 17, 2015

Paano nga ba gamitin ang 'Indirect Fire Support' sa pakikidigma? (Part 2)


Sa part 1 ng aking kwento, nailahad ko ang tinatawag na Indirect Fire System kagaya ng artillery at ng mortar. Sana ay naging malinaw iyon sa inyo pagkatapos ko itong na-simplify.

Naiintindihan ko naman na ang karamihan sa mga sibilyan ay hindi kabisado paano ginagamit ang indirect fire support mula sa Artillery o kaya sa Mortars. 

Para magkaliwanagan pa more, mas maiging panoorin nyo muna itong video ng Balikatan exercises na nagpapakita ng kaalaman at kagalingan ng mga sundalo natin na kung tawagin ay 'artilyero'.


Kung inyong susuriin, napakahirap ang trabaho ng mga tao na nagpapaputok ng 105mm artillery. Kinakailangang coordinated ang lahat ng aksyon ng mga personnel nito. Remember the magic word ha: Coordinated!


Ano nga ba ang hitsura sa lugar na pinapapatakan ng artillery rounds? Panoorin ang video sa itaas na kung saan ay makikita ang pag-mark ng target gamit ang White Phosphorus (WP) bago ito ina-adjust at pinasundan ng high-explosive rounds. Naranasan ko na ang nasa posisyon bilang tiga-paputok sa posisyon ng tubo at yong tigatawag ng indirect fire support bilang Forward Observer. Bawal ang palpak mag-isip dito or else wagaaaam!

Ang tanong, masarap kaya ang pakiramdam kung ikaw ang nasa paligid ng impact area? Obvious ba ang sagot? Syempre, hindeeee! Naranasan ko na iyan sa Shariff Aguak, Maguindanao nang pinapatakan namin ng 105mm high explosive (HE) rounds ang mga MILF na umatake sa sa detachment na aking kinalagyan noong mid 1990s. Tanda ko pa ang mga dialogue na naririnig ko sa mga sundalo tuwing humahaging ang bala at lumapag mga 150 metro mula sa aming pwesto. Ito ang mga sampol:

Sabi ng Ilokano: "Apung ku!"

Sabi ng Ilonggo: "Hijo de puta!"

Sabi ng Bisaya:  "Gikolira na jud ni, mangamatay ta!"

Nakakatawa ang mga hitsura namin dahil sa takot na mapatakan ng sariling itinawag na fire support. Masakit ata yon no?

By the way, sa mga nagsasabing okay lang daw na magpapatak na lang ng White Phosphorus rounds kahit walang Forward Observer, ang gagaling nyo pre!

Dinig na dinig natin ang mga komentong sabi-sabi ng mga Dota expert na ayos lang daw patakan ang isang patrol ng artillery kahit walang kausap na Forward Observer. Susme

By the way, ito ang dapat nating tandaan: Ang White Phosphorus (WP) round ay ang bilis mag-sunog ng damit at iba pang highly-combustible materials na nasa paligid. Meron din itong component na nakakalapnos sa balat ng tao dahil instead na shrapnel ang nagliliparan, mga nakakapaso na tila tunaw na bakal ang init ang syang dadapo sa iyo! Gusto nyo i-try? 

By the way, tingnan nyo ang hitsura ng tinamaan ng White Phosphorus rounds sa video sa ibaba. 


Kung kayo kaya ang magpapatak ng White Phosphorus at malapnos kagaya ng mga biktima? Ano ngayon mga tsong, payag kang hula-hulaan na lang ang sistema sa pagpapatak ng artillery? Pa-tsamba pa more? Matuto naman tayo sa karanasan ng iba! Sisihan pa more?


Call for fire

Paano nga ba ang mga simpleng procedures para makapag-deliver ng artillery fire sa isang heavily engaged unit? 

Makinig ka ha. Wag patulog-tulog! 

Una, kailangan ng Fire Direction Center (FDC) ang grid coordinates ng requesting element na kung saan ay andon ang Forward Observer.  Sino ang magbigay ng grid? Listen carefully ha. Eh di yong Forward Observer mismo! 

Ganon? Yes. Ganon talaga. Di pwede i-text ang grid coordinate ha? Itawag mo gamit ang tactical radio. I-read back pa ito ng FDC para ikumpirma na tama ang ibinigay na mga impormasyon kagaya ng grid location, azimuth at distance ng kalaban na gustong mabatukan ng artillery rounds. Naninigurado syempre ang FDC kasi baka naman nagkawatak-watak ang patrol o kaya lumipat na ito ng posisyon habang nakikipagbakbakan. Oisst. Kapag mag-patrol ha, dapat may tactical radio na pwedeng tawagan! 

Bakit naman kailangang FO ang kausap ng FDC? Syempre, dapat direktang nag-uusap ang FO at ang FDC dahil nakakamatay iyang pinag-uusapan nilang artillery fire! Remember the magic word: Direktang nag-uusap! Kasi, kung may papalpak at mali ang napatakan, silang dalawa ang unang may kasalanan!

Paano pag walang nakakausap na Forward Observer o Patrol Leader na marunong ng Call for Fire procedures? Eh, di sorry, di ka pwedeng bigyan ng artillery support!

Bakeet di pwede bigyan ng artillery support pag walang FO? Kulit mo rin ano? Syempre, walang 'mata' ang FDC. May bulag bang accurate magpatama ng target? Iyong magician siguro, kayang maka-bullseye kahit may catarata!

Uulitin ko ha. Masakit mabatukan ng 105mm projectile, kahit white phosphorus (WP) o high-explosive (HE) man iyon! Para mas feel mo ang scenario, i-replay mo ang video sa itaas at imagine mo na ikaw iyong nalapnos ang balat.

Sa mga ayaw pa ring maniwala, sabi ng mga pilosopo na mortero at artilyero namin, open sila sa try-out ng mga taong gustong sumubok magpapatak sa kanilang kinalagyang pwesto nang maramdaman ng mga war experts ang epekto nito. Any volunteer?

Mga palaisipan

Marami ang mga bagay na pag-isipan nating lahat tungkol sa usaping indirect fire support. 

Ika pa nga sa kasabihan ay: "With great power, comes great responsibility."

Matindi ang training ng mga taong gumagamit ng artillery at mortar assets para sa pakikidigma. Hinahasa parati ang mga kaalaman na ito sa pamamagitan ng sustainment training para maiwasan ang disgrasya at masiguradong asintado ang kasundaluhan sa kanilang ginagawa. Responsibilidad ng mga taong gumagamit nito na hindi makapanakit ng kapwa sundalo at maging mga inosenteng sibilyan. Magic word ha: Responsibilidad.

Sa isang military operation, pinaplanong mabuti ng mga unit commanders ang pag-gamit ng indirect fires at inihahanda nila ang Fire Support Plan bilang parte sa Operations Order (OPORD). Kung hindi mo ito na-plano, nagplano ka na ring pumalpak! Bakit po? Eh, ang 105mm artillery ay hindi kagaya sa iyong M1911A1 Cal 45 pistol na pwedeng i-holster sa tagiliran at bunutin, itutok at iputok na mabilisan kagaya ng isang duwelo! Draw!

Kaya, sa mga experts na nagmumungkahing paputukan ng artillery ang engaged unit na walang nakakausap na Forward Observer, isip-isip pa more!


Saturday, February 07, 2015

Paano nga ba gamitin ang 'Indirect Fire Support' sa pakikidigma? (Part 1)



Kuha ang larawan noong February 2002 na kung saan ay unang isinagawa ang Balikatan Exercises kasama ang mga tropa ng US sa lalawigan ng Basilan. Ang kaalaman sa Observed Fire Procedures ang itinuturo sa mga Scout Rangers sa SRTS at ito ay aking napakinabangang husto sa mga panahon na iyon.

Sa aming mga mandirigma na nasa Infantry, kasama sa itinuturo sa aming kurso ay paano gamitin ang Indirect Fire Support mula sa Field Artillery at sa infantry mortars na organic weapons ng Infantry Company at Infantry Battalion. 

Ito ay napakahalagang suporta para sa heavily engaged troops lalo na kung mas marami ang kalaban. Ang pamamaraan ng pag-request ng suporta mula sa assets na ito ay dapat kabisadong-kabisado ng mga Patrol Leaders (opisyal o NCO), dahil kapag pumalpak ka dito, lagabog ng high explosive rounds ang kakalampag sa posisyon mo!

                           
Larawan ng mortar section members ng US armed forces na nagsagawa ng indirect fire mission para sa engaged troops.


Kilalanin muna natin ang mga taong bumubuo sa Infantry Mortar Section na binubuo ng anim ka tao, at dalawang mortars. Kung sa Infantry Company, ang issue ay ang 60mm Mortar at 81mm Mortar naman kung sa Infantry Battalion.   

Ang Mortar Section at ang mga kagamitan na kinakailangan nito para magsagawa ng indirect fire mission. Maalam sa kanilang responsibilidad ang bawat miyembro ng team na ito.


Ang Indirect Fire System

Alamin naman natin ang bumubuo sa sistema ng pagpagana ng indirect fires mula sa mortars o artillery.  Maihalintulad ko ang buong sistema sa isang buong katawan ng tao. 

Kung ikaw ay ang Patrol Leader ng tropang napa-engage o nagpa-patrol,  o isang sundalong may kaalaman bilang Forward Observer (FO) na kasama sa patrol, ikaw ay ang tinaguriang 'Eyes' (Sensor) na syang titingin sa target at syang may responsibilidad paano ipatama ang bala. Ang taong tiga-compute naman para makabigay ng firing data, ay ang Brain, at ang mga taong tiga-execute ng firing commands ay ang 'Muscle' o katawan. 

Therefore, para makapatama tayo sa target, kailangang nagkakaintindihan at magaling sa kani-kanilang responsibilidad ang Eyes, Muscle, at ang Brain. Dahil buhay ang nakataya, bawal ang pa-tsam, mga tsong!

Illustration ng sistema ng indirect fire na kung saan ay hinahasa ang kaalaman ng mga sundalo na gumaganap sa mga trabahong ito.



Mission-essential equipment

Ang mahalagang gamit na dala ng isang Forward Observer (Eyes) ay mapa, lensatic compass, binocular na may mil reticles, tactical radio. Kung may modernong kagamitan kagaya ng laser range finder at GPS receiver ay mas mabuti.

Ang military type binoculars ay merong reticle na ginagamit sa pag-adjust ng patama ng indirect fires mula sa mortar o artillery. Minsan, kapag wala kaming Steiner binoculars ay MM (mata-mata) na lang ginagamit namin o estimation na lang.

Ang lensatic compass ay basic tool na kailangan ng mga sundalo para mag-navigate sa panahon ng patrols at pati sa pag-direct ng fires mula sa mortar o artillery. Kasama ito sa tinatawag na mission-essential equipment na dapat nakalista tuwing may combat patrols.


Ang mga mahalagang kagamitan naman ng isang FDC (Fire Direction Center) ay ang M16 Plotting Board, Ballistics Table, Tactical Map, OHP pens. Bonus na rin kung merong Mortar Ballistics Computer o kaya Mortar Fire Control System (MFCS).

                          

Ang MBC (top photo) at ang M16 Plotting Board na gamit ng mga magigiting na miyembro ng Mortar Section. Ang mga artillero na miyembro ng Philippine Army ay merong field expedient na pamamaraan paano i-compute ang firing data kung walang magamit na plotting board o kaya MBC.


Ang 'Muscle' naman ay kinakailangan talaga ito. Hulaan mo kaya? Djaraaaaan! Syempre, ang mortar at ang mga taong nag-operate nito! 

Kapag sinabi kong kagamitan ng 'Muscle', ito ay ang buong components na bumubuo ng mortar section kasama na ang mga taong nag-operate nito, ang iba't-ibang parte ng mortar kagaya ng tube,  sights, base plate, bipod at idagdag mo na ang aiming posts kagaya ng nasa larawan sa itaas.

Kuha ang larawan nang nag-aral ako ng pang-snipe gamit ang M252 mortars sa US Infantry School. Nasa aming likuran ang pinapatamaang T72 tanks sa layong 3,500 metro.


Ang TCP operation

Ang isang opisyal na namamahala sa isang combat operation ay isinasama sa mission planning ang pag-gamit ng indirect fires either mula sa mortars o sa artillery. Inihahanda nya ang Fire Support Plan at Execution Matrix na kaakibat nito.

Kung alin ang kanyang gagamiting suporta ay diskarte nya iyon base sa iba't-ibang konsiderasyon kagaya ng misyon, kalaban, terrain, time, tropa, at komunidad na saan sila nagsagawa ng operasyon. 

Halimbawa, kung maraming bahayan ng sibilyan, hindi pwedeng gamitin ang artillery dahil malaki ang tsansang makatama ito ng non-combatants. Di ba't iniiwasan namin ang collateral damage?

Kung mortars naman ang gagamitin, inilalatag sa plano kung saan ilagay ang mga mortars depende sa maximum range nito. Syempre, kapag 105mm Howitzer ay sobra 10 kilometro pwedeng sumuporta.

Matindi ang koordinasyong gagawin ng Tactical Command Post at Patrol Leader ng operating troops habang isinasagawa ang patrol. From time to time, inirereport dapat ng operating unit ang latest grid location. 

Dapat ay may inilatag na ring target reference points (TRPs) sa lugar na pupuntahan para pang-emergency na suporta, mas madali itong mapapatakan dahil nakamarka na ito sa mapa. 

Kapag ginagawa ito, makakaresponde kaagad ang TCP at ang artillery o mortar section sa pagdeliver ng indirect fires sa pinakamabilis na panahon. 

Para sa mga FOs, kailangang mabilis ang kanyang tawag ng suporta base sa kanyang nakikita. Ang pinakamahalaga nyang maibigay kaagad sa FDC o sa TCP ay ang kanyang latest grid coordinates, anggulo ng posisyon ng kalaban (bearing) at ang distansya nito mula sa pwesto ng tropa at mga katabi nito. 

Kapag overwhelming ang dami ng kalaban sa engkwentro, ang indirect fires ay malaking bagay para pumantay o lumalamang sa labanan ang ating magigiting na mga mandirigma. Malaking bagay ang magamit ito ng ating mandirigma. Dapat itong aralin at hahasain ang kaalaman sa lahat ng panahon. 


Kitams? Sa pakikidigma, bawal ang nga-nga.

Sa aking pakikidigma kasama ang mga tropa ng 10th Scout Ranger Company, nagagamit namin ang kaalaman sa Observed Fire Procedures para gapiin ang pwersa ng mga Abu Sayyaf tuwing ginagamitan nila kami ng 'pintakasi'. Dahil na rin dito, natapos ko ang aking termino bilang pinuno ng naturang yunit na walang nalagas na buhay sa aking mga tauhan.



Note: Ang ibang mga photos at illustrations ay kinuha sa open sources sa internet.